Kahit tapos na ang Buwan ng Wika
Tuluyan mang dumating na ang ‘ber months’ at nagismula na rin ang mga kaliwa’t kanang Christmas countdown,hindi naman ito nangangahulugang tapos na ang usapin ukol sa wikang pambansa. Magpahanggang ngayon,wala pa ring konkretong solusyon para sa ika-uunlad ng wikang Filipino kahit samu’t sari nang reaksyon ang naibahagi’t pinagdiskusyonan.
Mistulang tinadhana ang pagsulpot ng mga kontorobersiya’t maiinit na usapin hinggil sa wikang Filipino nitong buwan ng Agosto. Ngunit,alin nga ba ang problema? Ang mismong wika ba ang o mga taong gumagamit nito? Saan nga ba nag-ugat ang mga sala-salabat na suliranin tungkol dito? Dahil nga ba sa sistema ng edukasyon o dahil sa uri ng kulturang panlipunan na mayroon tayo?
Paniwala ng nakararami na kung may malaking reporma sa sistema ng edukasyon ukol sa medium of instruction ,ay mas mapapataas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Halimbawa na nga lang ng mayayamang bansa tulad ng Japan at Germany,pawang ginagamit ang mga kanilang wikang pambansa sa edukasyon.
Ngunit kung susuriin,hindi ba’t nakadepende lang din ang sistema ng edukasyon sa sistemang panlipunang umiiral? Matatandaang noong naging in-demand ang mga Pinoy nurses sa abroad,nagsisulputan ang mga nursing schools. Kumbaga,tumutugon lang ang mga paarala’t unibersidad sa mga pangangailangan ng lipunan. Sa bansa nating may mataas na pagpapahalaga sa kakayahang makapag-Ingles,hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lang ang pagpapaigting ng mga programang makapaghahasa sa kakayahang ito mapa- anumang antas ng akademya. Hindi na rin surpresa kung paano nabuo ang ideyang mas mataas ang kalidad ng pag-aaral sa mga pamantasang pamoso sa pagtuturo ng Ingles.
(Source: janyx-mcmxci)
